Ginhawa at pag-asa ang hatid sa mga maliliit na negosyante o MSMEs, mga women entrepreneur lalo na sa mga high poverty area sa buong Pilipinas, matapos aprubahan ng Asian Development Bank (ADB) ang ₱1.75 bilyon ($30 milyon) na loan para sa #GCash Fuse Financing, Inc. Layunin nito na mas mapadali ang pag-utang ng puhunan at makatulong sa paglago ng kanilang negosyo.
Inilunsad nila ang loan program kung saan ay nagsagawa rin sila ng financial literacy workshop para sa daan-daang MSMEs kasama na ang mga may-ari ng sari-sari stores at carinderia. Hangad nitong palawakin ang kanilang kaalaman tungkol sa maayos na pamamalakad ng pera at responsableng pag-utang.
Nais ng GCash at ADB na matulungan ang maraming negosyante kaya bukas ang loan program kahit sa mga first-time borrower. Hindi rin kinakailangan ng collateral at maraming dokumento na kadalasang humahadlang para makautang sila.
Gamit ang GScore, sariling teknolohiya ng GCash app, nasusuri agad kung qualified ang negosyante para sa loan.
"Sa pakikipagtulungan sa ADB, napalalakas namin ang misyong gawing mas abot-kamay ang mga loan para sa mga Pilipinong higit na nangangailangan nito, sa mga gusto magnegosyo at palaguin ang kanilang negosyo," ani Tony Isidro, CEO at presidente ng Fuse Financing Inc., ang lending arm ng GCash.
Tinututukan ng GCash at ADB ang mga maliliit na negosyante o micro, small, medium enterprises (MSMEs) dahil malaki ang kanilang ambag sa ekonomiya. Karamihan o 63% ng may-trabaho ay dahil sa mga MSME.
Gayunpaman, nananatiling problema ang kakulangan ng access sa financing dahilan para maging mabagal ang kanilang pag-asenso. Ayon sa isang pag-aaral ng ADB, isa ito sa mga itinuturing na malaking hamon para sa mga MSME, bukod sa kakulangan ng kapital.
“Sa GCash, gusto naming mapadali para sa mga MSME ang pag-utang, para mas maraming negosyante ang magkaroon ng oportunidad na lumago at umunlad,” pahayag ni Isidro.
Kaugnay nito, inaanyayahan ni Isidro ang mga MSME na mag-apply sa loan program na katuwang ang ADB.
“Kaagapay ng mga MSME ang GCash para sa mas mabilis na pag-asenso ng kanilang negosyo. Hangad namin ang kanilang manigong kinabukasan,” pagtatapos ni Isidro.



